Valdez back-2-back MVP
MANILA, Philippines - Hindi pa dapat magkumpiyansa ang Ateneo Lady Eagles matapos ang madaling straight sets panalo sa karibal na La Salle Lady Archers sa pagsisimula ng 77th UAAP women’s volleyball finals noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon sa team captain ng Ateneo na si Alyssa Valdez, marami pang dapat na gawin ang kanilang koponan sa Game Two sa Sabado para mas tumindi pa ang ipinakita.
“Marami kaming errors at marami rin adjustments na dapat na gawin sa laro dahil maraming players ang ipinapasok ni coach Ramil (De Jesus) sa team niya. Hindi natin alam kung sino ang kanyang gagamitin at babantayan kaya kailangan pa na mag-focus kami,” wika ni Valdez.
Tumipak ng 22 kills sa 50 attempts si Valdez tungo sa nangungunang 25 puntos para tulungan ang nagdedepensang kampeon sa 25-18, 25-19, 25-19.
Ito na ang ika-15 sunod na panalo ng koponan at ang isa pang panalo ay magluluklok sa koponan bilang natatanging team sa liga na naka-16-0 sweep.
Kahit si team manager Tony Boy Liao ay pinuna ang nakitang pagre-relax ng koponan sa third set dahilan upang makapanakot pa ang Lady Spikers.
“Just like in our past games, they would relax after winning the first two sets. But I think they are for it (16-0). Nandoon na kami and we will go for it,” ani Liao.
Ang makukuhang titulo ng Ateneo ang kukumpleto uli sa mabungang kampanya ni Valdez dahil siya ang itinanghal bilang Most Valuable Player sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Napanatili rin ni Valdez ang pagiging Best Scorer ng liga at siya ring ginawaran ngayon bilang Best Server ng liga.
Ang mga kakamping sina Julia Morado at Dennise Lazaro ang Best Setter at Best Receiver para bigyan ng katuwiran ang dominanteng paglalaro ng koponan.
Si 6’4 Jaja Santiago ng National University Lady Bulldogs ang lumabas bilang Best Spiker, si Marivic Meneses ng UST Tigresses ang Best Blocker, si Christine Agno ng FEU Lady Tamaraws ang Best Digger at sina Ennajie Laure ng UST at Kathleen Faith Arado ng UE Lady Warriors ang magkasalo bilang Rookie of the Year.
- Latest