Nakaisa rin ang Arellano sa Cheerdance
MANILA, Philippines – Binigyan ng Arellano University ang sarili ng magandang pagtatapos ang produktibong taon sa 90th NCAA season nang tanghaling kampeon sa cheerleading kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagkaroon ang Arellano ng 405.5 puntos at tinalo lamang ng isang puntos ang five-time defending champion Perpetual Help Perps Squad (404.5).
Unang nagtanghal ang Chiefs at bagamat may pressure ay nagawa nilang ipakita ng maayos ang pinaghandaang routine.
Maituturing na mas komplikado ang palabas ng Perpetual pero nagkaroon sila ng mas maraming errors para mabitiwan ang titulo na hinawakan mula 2009.
Ang Arellano rin ang ikaapat na paaralan na nakatikim ng titulo sa kompetisyon matapos ang Perpetual Help (8), Mapua (1) at Jose Rizal University (1) sapul nang sinimulan ang cheerleading noong 2003.
Halagang P100,000.00 ang napanalunan ng Arellano at P75,000.00 ang napunta sa Perpetual Help.
Ang pangatlong puwesto ay nakuha ng St. Benilde sa 359.5 puntos para sa P50,000.00.
Pormal na nagsara ang 2014-15 season ng NCAA at nagdiwang din ang St. Benilde at San Beda na kinilala bilang mga overall champions sa seniors at juniors divisons.
- Latest