Pinoy tracksters makikilatis ang kalaban sa 2015 SEAG sa Philippine Open
MANILA, Philippines - Patutunayan ng piling atleta na napasama sa national Olympic program na karapat-dapat sila rito sa gaganaping Philippine National Open Invitational Championships mula Marso 19 hanggang 22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang mga nabigyan ng puwesto matapos tukuyin nina PATAFA president Philip Ella Juico katuwang ni sports patron/businessman Jim Lafferty ay sina 19-anyos Ernest John Obiena, Fil-Ams Eric Cray at Zion Corrales-Nelson, Archand Bagsit, Jesson Cid at Marestella Torres.
Si Obiena ang record holder ngayon sa pole vault sa naitalang 5.20 meters sa Singapore Open. Ang dating marka ay nasa 5:01m na ginawa ni Edward Lasquete, 22 taon na ang nakalipas.
Sina Cray at Corrales-Nelson ay pambato sa hurdles at sprint, si Bagsit ay sa middle-distance, si Cid ay sa decathlon habang ang Olympian na si Torres ay sa long jump.
Masusukat ang mga ito bukod sa iba pang nasa national pool dahil darating ang mga panlaban mula sa mga bansang Japan, Korea, China, Chinese Taipei, Hong Kong, Thailand, Indonesia, Vietnam, Malaysia, Singapore at Brunei.
Maliban sa unang limang bansa, ang ibang bisita ay makakalaban din ng Pilipinas sa Singapore SEA Games sa Hunyo kaya’t magandang oportunidad ito para makilatis ng mga national athletes ang kahandaan para sa regional meet.
Tig-23 gold medals ang paglalabanan sa men’s, women’s at junior divisions pero may anim pang kategorya ang isinama para sa masters and 19-under categories. (AT)
- Latest