Thunder binuhat ni Westbrook
OKLAHOMA CITY-- Nagsuot si Russell Westbrook ng isang maskara at naglaro na parang isang superhero.
Nagtala ang All-Star Game MVP ng career highs sa kanyang 49 points at 16 rebounds at nagdagdag ng 10 assists para sa kanyang ikaapat na sunod na triple-double at igiya ang Oklahoma City Thunder sa 123-118 overtime win laban sa Philadelphia 76ers.
Ginamit ni Westbrook ang facial protection matapos mabasag ang buto sa kanyang kanang pisngi sa kanilang laro ng Portland noong nakaraang Biyernes.
Sumailalim siya sa surgery noong Sabado at hindi naglaro sa kanilang pagharap sa Los Angeles Lakers noong Linggo.
Si Westbrook ang unang player matapos si Michael Jordan noong 1989 na nagposte ng apat na sunod na triple-doubles, ayon sa STATS, at kauna-unahan matapos si Jordan na nagtala ng back-to-back triple-doubles na may 40 points.
Ito ang pinakamaraming puntos ng sinumang player na may triple-double makaraan ang 49 ni Larry Bird noong 1992.
Si Jordan ay may pitong sunod na triple-doubles at 10 sa isang 11-game output noong 1989 para sa Chicago.
“It’s definitely a blessing,” ani Westbrook. “But more importantly, I think it’s important that we’re winning.”
Sa iba pang resulta, tinalo ng Indiana ang New York, 105-82; giniba ng Phoenix ang Orlando, 105-100; tinakasan ng Boston ang Utah, 85-84; giniba ng Charlotte ang Brooklyn, 115-91; nilusutan ng Cleveland ang Toronto, 120-112; iniwan ng Memphis ang Houston, 102-100; binigo ng Denver ang Minnesota, 100-85; sinibak ng New Orleans ang Detroit, 88-85; inilampaso ng San Antonio ang Sacramento, 112-85; at inungusan ng Miami Heat ang Los Angeles Lakers, 100-94.
- Latest