Benedicto masusukat sa Tri United
MANILA, Philippines - Masusukat ang galing ni August Benedicto dahil hindi lamang mga locals kundi mga dayuhan ang kanyang makakalaban sa paglarga sa Linggo ng Unilab Active Health (ULAH) Tri United 1 sa Dungaree Beach sa Subic Bay Freeport.
Isa sa mga atletang pinarangalan ng Philippine Sportswriters Association sa idinaos na Awards Night, si Benedicto ay magnanais na manalo sa male elite para bigyan ng magandang panimula ang paghahangad na manatiling overall champion sa serye na inorganisa ng Bike King at suportado ng ULAH.
Ngunit dadaan siya sa butas ng karayom dahil sa inaasahang matinding kompetisyon dulot na rin ng pagdating ng mga professional triathletes mula sa ibang bansa na sina Mitch Robins ng Australia, Eneko Elosegui ng Spain at Sarnon Chantaraj ng Thailand.
Ang national triathlete na sina John Chicano at Ben Rama ang mangunguna na susukat kay Benedicto sa mga locals.
Gagawin ang aksyon sa 1.5k swim, 40k bike at 10k run standard distance at sina Anna Stroh at Ani Karina de Leon-Brown ang magtutuos sa kababaihan.
May kabuuang P40,000.00 ang premyong inilaan at ang mananalo ay mayP10,000.00 gantimpala.
Magkakaroon din ng aksyon sa sprint distance (750m swim, 20k bike, 5k run) at meron ding magaganap na Age Groups at Team competition kung saan tropeo ang makukuha ng mangunguna sa bawat dibisyon. (AT)
- Latest