Pacman sumabak na sa ensayo pagiging dehado ‘di problema
MANILA, Philippines - Walang problema kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang malagay siya bilang dehado sa pagkikita nila ng pound-for-pound king at walang talong si Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Magagamit pa nga niya ito para magsilbing inspirasyon para lalong pagbutihan ang kanyang pagsasanay.
“This is not the first time I am in this situation. It motivates me to train hard and go for the crown,” wika ni Pacman.
Kikilalanin bilang pinakamatikas sa welterweight ang mananalo kina Pacquiao at Mayweather dahil nakataya ang kanyang titulo sa WBO bukod sa WBC at WBA belts ng Amerikanong boksingero.
Nagpasimula na si Pacquiao sa kanyang pagsasanay upang matiyak na nasa magandang kondisyon ang pangangatawan kapag binuksan na ang opisyal na paghahanda kasama ang batikang trainer na si Freddie Roach.
Bagamat sa Mayo pa gagawin ang bakbakan ay may mga betting odds na ang nailabas sa US at naliliyamado si Mayweather.
Ang mga naniniwalang mananalo si Mayweather ay kailangang pumusta ng $295 para tumama ng $100 habang ang $100 na pusta kay Pacquiao ay kakabig ng $230 kung manalo ito.
Kasabay nito ay nagpahayag ang trainer na si Ignacio Beristain ng paniniwalang si Pacquiao ang magwawagi sa kinasasabikang labanan ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito.
Ang kakayahan ni Pacquiao na magpakawala ng sunud-sunod na suntok ang siyang nakikitang susi ni Beristain para manalo siya kay Mayweather.
“Pressure and a lot of punches just beat Floyd up,” ani ni Beristain sa panayam ng Ring Observer.
Sa Marso inaasahang magsisimula ang pagsasanay nina Pacquiao at Mayweather.
- Latest