Pinas sasandal sa matitikas na jins sa Asia-Pacific taekwondo championship
MANILA, Philippines – Mga subok ng taekwondo jins ang bubuo sa Pambansang koponan na lalaro sa 2015 Asia-Pacific Taekwondo Invitational Championships mula Pebrero 28 hanggang Marso 1 sa SM Mall sa Iloilo City.
Mangunguna sa koponang ilalahok ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ay sina ASEAN University Games gold medalist Francis Aaron Agojo at 2013 SEA Games gold winner Jade Zafra.
Ang iba pang kasapi na inaasahang mananalo ng medalya ay sina Irene Therese Bermejo, Christian Al dela Cruz, Benjamin Keith Sembrano, Samuel Morrison at Mary Anjelay Pelaez.
Si Bermejo ay isang silver medalist sa 10th World Junior Taekwondo Championships sa Taipei noong nakaraang taon, si Dela Cruz ay isang bronze medalist sa Korea Open noong 2014 habang sina Sembrano, Morrison at Pelaez ay mga nanalo ng bronze sa Incheon Asian Games.
Siyam na bansa ang maglalaban-laban sa dalawang araw na kompetisyon na gagawin sa unang pagkakataon at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), City Government of Iloilo, PTA, World Taekwondo Federation, SMART, SM at MILO.
Nangunguna na sa dayuhan ay ang South Korea na kung saan nagmula ang contact sport na ito bukod pa sa US, Vietnam, Guam, Japan at Mongolia.
- Latest