Camacho ‘di nababahala sa SEAG drug test
MANILA, Philippines – Hindi nababahala si Chief of Mission Julian Camacho sa ipapairal na blood testing bilang bahagi ng drug test sa Singapore SEA Games.
Nagdesisyon ang host country ng SEAG sa Hunyo na gawin ang blood testing sa kauna-unahang pagkakataon sa tuwing kada-dalawang taon dahil dumarami ang mga manlalarong nakikitaan ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang dating istilo sa drug testing ay urine samples ng mga atleta pero mas magiging epektibo ngayon ang sistema dahil dugo ng atleta ang gagamitin.
“We are not bothered dahil wala naman tayong mga atleta na lumalabas na positibo sa drug test the past SEA Games,” wika ni Camacho.
Magkaganito man ay hindi naman mangangahulugan na magkukumpiyansa ang mga sports officials at ipinag-utos na niya sa mga opisyales ng kasaling NSAs sa Singapore na tiyakin na hindi basta-basta iinom ng mga gamot ang atleta para maibsan ang ilang karamdaman.
“We have our sports doctors para tumingin sa kanila. So the NSAs must always remind their athletes on this matter,” ani pa ni Camacho.
Nasa 275 na ang atletang puwedeng bumuo sa Pambansang delegasyon na ipadadala sa kompetisyon at magtatangka na higitan ang pinakamasamang pagtatapos sa SEAG na ikapitong puwesto noong 2013 sa Myanmar.
Tataas pa ang bilang dahil may ilang NSAs pa ang hindi pa nagbibigay tulad ng volleyball team na nagpulong kagabi para malaman kung sino ang puwedeng ilahok sa kompetisyon.
- Latest