Planong pagsibak ng PSC kina Barriga, Suarez, pinalagan ni Vargas
MANILA, Philippines – Hindi makatarungan ang plano ng PSC na alisin sa priority list ang mga boxers na sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez.
Sa panayam kay ABAP president Ricky Vargas nang dumalo siya sa POC General Assembly kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City, sinabi niya na sina Barriga at Suarez ay karapat-dapat na manatili sa talaan dahil sila ang ilan sa mga pinakamahuhusay na atleta ng bansa at patuloy na maghahangad na bigyan ng karangalan ang bansa.
“If very unfair for them. They are the best boxers, and most qualified to be in the priority list. It’s totally unfair to even think about that,” wika ni Vargas.
Balak ni PSC chairman Ricardo Garcia na alisin sa talaan sina Barriga at Suarez dahil hindi sila makakasama sa delegasyong lalaro sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
Ang dalawa ay maglalaro sa AIBA Pro Boxing na isa ring qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
Nalalagay sa kontrobersya ang palaro ng AIBA dahil sa salitang Pro dahilan upang pumasok din ang Games and Amusement Board (GAB) at ideklarang professional boxers sina Barriga at Suarez at dapat na kumuha ng lisensya sa nasabing ahensya.
Sinabi ni Vargas na hindi lamang sa Pilipinas may problema ang palaro pero karamihan sa ibang bansa ay nakita at naliwanagan sa paliwanag ng AIBA at patuloy nilang nirerespeto ang pagiging amateur ng kanilang boxers na kasali sa torneo.
Nananalig din si Vargas na magiging bukas ang isipan ng mga sports officials sa PSC at POC sa desisyon ng ABAP dahil mahalaga rin sa NSA ang magkaroon ng maraming bilang ng atleta para sa Rio Games.
Dumalo si Vargas sa General Assembly para personal na ibigay sa POC sa pamamagitan ni VP Joey Romasanta, ang sulat na nagdedetalye sa mga programang gagawin ng ABAP sa SEA Games, Asian Games at Olympics.
- Latest