‘Twice-to-beat’ sa quarterfinals hangad ng Gems laban sa Pirates
Laro Ngayon
The Arena, San Juan City
12 n.n. – Bread Storyvs Cebuana
2 p.m. – Café France vs Wangs Basketball
4 p.m. –Tanduay Light vs AMA University
MANILA, Philippines - Matapos okupahan ang upuan sa quarterfinals, pagbabalakan ng Cebuana Lhuillier Gems ang ilapit ang sarili sa mahalagang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagharap sa Bread Story/LPU Pirates sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali magaganap ang tunggalian at mapapantayan ng Gems ang pahingang Jumbo Plastic Giants (6-4) sa ikaapat na puwesto kung mapapataob nila ang Pirates.
Kapag nangyari ito, kailangan na lang ng tropa ni coach David Zamar na pantayan ang karta ng Giants sa pagpasok sa kanilang huling asignatura para hawakan ang upuan at ang ‘twice-to-beat’ advantage sa susunod na round.
Pero katulad ng Gems, mahalaga rin para sa Pirates ang makukuhang panalo para makaiwas sa maagang bakasyon.
Ang anim na mangungunang koponan ay magpapatuloy ng kampanya at ang Bread Story ang siyang may hawak sa pang-anim na upuan sa 4-5 baraha.
Nakikipag-agawan sa nasabing puwesto ang Tanduay Light Rhum Masters na sasabak sa AMA University Titans sa ikatlo at huling laro sa alas-4.
May 4-6 karta ang Rhum Masters at dapat silang manalo para manatiling palaban sa nasabing puwesto dahil ito na ang kanilang huling laro, habang ang Pirates ay may isa pang laban.
Dinurog ng Gems ang Wangs Basketball Courier, 85-62, at nananalig si Zamar na mananatili ang mainit na paglalaro ng kanyang bataan para hindi masayang ang oportunidad na nasa kanilang kamay. (ATan)
- Latest