Valdez lalong humigpit ang laban sa MVP
MANILA, Philippines - Kung nagbibigay ng MVP ang UAAP women’s volleyball sa first round, ito’y tiyak na igagawad sa kamador ng Ateneo Lady Eagles na si Alyssa Valdez.
Winalis ng nagdedepensang kampeon ang pitong laro sa unang ikutan at malaking kadahilanan kung bakit nagawa nila ito ay dahil sa galing ni Valdez.
Ang team captain ng Ateneo ay una sa scoring sa naitalang 155 hits mula sa 127 kills, 11 blocks at 17 service aces para sa 22.1 puntos average.
Pangalawa si Valdez sa spike (40.19% success rate) at sa server (0.68 average per set) at nasa ika-sampung puwesto sa blocks (0.44 average per set).
Si Victorana ‘Ara’ Galang ng La Salle Lady Archers na siyang inaasahang magiging karibal niya sa pinakamataas na individual award na paglalabanan, ay una sa serve department sa 0.72 average per set bukod pa sa pagiging pangatlo sa scoring (126 total), panlima sa blocks (0.64 average by set), pang-pito sa receive (22.61% effiency) at pang-walo sa spikes (33.21% success).
Nasa ikalawang puwesto ang Lady Archers sa team standings sa 6-1 at inaasahang mas magiging mainitan ang tagisan ng dalawang magkaribal na koponan sa second round.
Ang mga kakampi ni Valdez na sina Julia Melissa Morada at Dennise Lazaro ang nangunguna sa setter (8.96 average by set) at sa receiver (30.99% efficiency).
Si Ma. Arielle Estranero ng UP Lady Maroons ang pinakamahusay sa dig (2.81 average) habang si Marivic Meneses ng UST Tigresses ang pinakamahusay sa blocks (0.96 average by set).
Limang manlalaro lamang ang umiskor ng mahigit na 100 kabuuang puntos at ang nakasama nina Valdez at Galang ay si 6’4 Jaja Santiago ng NU Lady Bulldogs na may pumapangalawang 129 puntos, Nicole Anne Tiamzon ng Lady Maroons sa 116 puntos at si Mylene Paat ng Adamson Lady Falcons sa 101 puntos. (AT)
- Latest