First blood
Mukhang kukulangin ang tatlong referees sa loob ng court mamayang gabi.
Sa tindi kasi ng balyahan at tirahan ay baka hindi kayanin ng mga referees na panatilihing malinis ang Game 3 ng PBA Philippine Cup Finals sa pagitan ng San Miguel at Alaska.
Kinuha ng Alaska ang Game 1 sa overtime, 88-82, pero nakabawi ang San Miguel nung Biyernes, 100-86, para itabla ang best-of-seven series.
Kung may number lang ako ni commissioner Chito Salud ay ite-text ko siya na gawing apat ang referees sa laro.
Sa ganung paraan, puwedeng tutukan ng isang referee sina Arwind Santos ng SMB at Calvin Abueva ng Alaska. Mag-focus lang siya sa dalawang ito.
Parehong tubong Pampanga ang dalawang ito at sinasabing magkaibigan. Iisa rin yata ang kanilang manager. Kung baga sa mga kabayong pangarera, iisa ang kuwadra.
Pero sa loob ng court, hindi mo iisiping magkaibigan sila.
Bangayan, kantiyawan at tirahan. Umuwing may malaking plaster sa taas ng noo si Arwind matapos mabagsakan ng siko ni Abueva sa third quarter.
Tinahi ang sugat ni Arwind pagkatapos ng laro.
Naging professional si Arwind sa sagot niya sa press. Sinabi niyang “part of the game” ang magkasakitan. Sabi pa nga niya, kung sino ang mapipikon ay siyang matatalo.
Pero nagbanta rin siya na “Nagsisimula pa lang ang laban.”
Mahirap palampasin ang nangyari dahil mula ngayon at tuwing haharap siya sa salamin at makikita ang tahi sa kanyang ulo ay maaalala niya si Abueva.
Kung baga, namarkahan na siya ni “The Beast.”
Ayaw naman makipag-usap ni Abueva sa media pagkatapos ng game. Sinabi lang niya na nakita naman ng lahat kung sino ang nananakit.
Nakita rin ng lahat kung pano bumangon si Arwind sa court.
Duguan at putok ang noo.
- Latest