Rockets ipinatikim ang ika-14 sunod na kamalasan ng Knicks
NEW YORK -- Kumamada si James Harden ng 25 points at 9 assists sa tatlong quarters at ipinalasap ng Houston Rockets sa New York Knicks ang pinakamahaba nitong kamalasan ngayong season sa pamamagitan ng kanilang 120-96 tagumpay.
Natikman ng Knicks ang pinakamahaba nilang single-season losing streak sa 14 laro.
Ito ang pang-11 sunod na panalo ng Houston kontra sa New York.
‘’We’re kind of looking at the bigger picture. Bigger picture is us playing at a high level, all on the same page. No matter what team we’re playing against, we’ve got to play great,’’ sabi ni Harden. “So tonight was a challenge for us. The Knicks aren’t doing so well but our mindset was to come in here and play Rockets basketball.’’
Nalasap ng Knicks ang kanilang pang-24 kamalasan sa nakaraang 25 laro para sa NBA-worst na record na 5-34.
Nag-ambag si Trevor Ariza ng 18 points para sa Rockets na pinagpahinga si Harden sa fourth quarter kung saan nila tinambakan ang New York ng 24 puntos.
Dahil sa pagkadismaya ay nagsuot ang isang grupo ng mga Knicks fans ng paper bag para itago ang kanilang mga mukha sa kahihiyan.
Umiskor si Rookie Travis Wear ng season-high na 21 points at may 19 si Langston Galloway para sa Knicks.
Hindi naglaro ang mga may injury na sina Carmelo Anthony, Amare Stoudemire at Andrea Bargnani.
‘’It’s tough mentally, but we’ve got to be professional and just keep playing and working hard,’’ sabi ni New York veteran Jose Calderon na hindi nakaiskor.
Sa Portland, nagposte si LaMarcus Aldridge ng 24 points at 12 rebounds para tulungan ang Portland Trail Blazers sa 99-83 pagdaig sa Miami Heat.
Umiskor si Aldridge ng 10 points sa kanilang ratsada sa third period kung saan inungusan ng Blazers (28-8) ang Heat sa iskoran, 33-16.
Nagdagdag si Wesley Matthews ng 18 points, habang may 16 si Damian Lillard at 10 si Chris Kaman para sa Portland.
Humakot ang Blazers ng 28 rebounds sa second half para pantayan ang Golden State Warriors na may pinakamaraming panalo sa NBA ngayong season.
Pinamunuan naman ni Dwyane Wade ang Miami sa kanyang 23 points.
Nag-ambag si Chris Bosh ng 18 markers, samantalang may 10 si Hassan Whiteside sa panig ng Heat (15-21).
Sinimulan ng Portland ang third quarter mula sa pinakawalang 17-6 atake.
Nagsalpak sina Matthews at Lillard ng back-to-back 3-pointers sa unang tatlong minuto ng nasabing yugto, habang tumirada si Kaman ng tatlong layups.
Kinuha ang 74-62 abante pagpasok ng fourth period, muling umiskor sina Matthews at Allen Crabbe ng dalawang tres para sa kanilang 8-0 arangkada para sa 86-69 kalamangan ng Blazers.
Lumamang pa ang Portland ng 23 puntos para tuluyan nang gibain ang Miami.
Sa Toronto, naglista si Kemba Walker ng 29 points para ihatid ang Charlotte Hornets sa 103-95 panalo kontra sa Raptors.
Ito ang pang-apat na dikit na panalo ng Hornets.
Nagsalpak si Walker ng isang jumper sa natitirang 19.6 segundo para sa six-point lead ng Charlotte.
Nag-ambag si Gerald Henderson ng season-high na 31 points para sa Hornets, habang nag-ambag si Michael Kidd-Gilchrist ng 10 points at 12 rebounds.
- Latest