Kung ayaw ni Floyd Vargas kursunada si Pacquiao
MANILA, Philippines – Isa pang walang talong kampeon ang nag-alok kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sila ay magtuos sa 2015.
Si Jessie Vargas na hindi pa natatalo matapos ang 26 laban at may siyam na knockouts ang nais na makilatis sa ibabaw ng ring si Pacquiao.
Kampeon ang tubong Las Vegas na si Vargas sa WBA World light welterweight division matapos hiritan ng unanimous decision ang dating hari sa dibisyon na si Khabib Allakhverdiev noong Abril 12.
Dalawang title defense pa ang ginawa ni Vargas kontra kina Anton Novikov at Antonio DeMarco noong Agosto 2 at Nobyembre 23 na parehong nauwi sa unanimous decision.
“It would be a great fight. I believe it would be a war, a very competitive match up that the fans would really enjoy,” wika ng 25-anyos na si Vargas sa On The Ropes Boxing Radio.
May taas na 5’10” si Vargas pero mas mahusay ito kay Chris Algieri na anim na beses na pinatumba ni Pacquiao sa kanilang pagkikita noong Nobyembre 23 sa Cotai Arena sa Macau, China.
Si Pacman ay ipinoporma para labanan ang pound for pound king na si Floyd Mayweather Jr. matapos ihayag mismo ng huli ang kahandaan na banggain ang natatanging 8-division world champion sa boxing.
Ngunit hindi pa tiyak kung tototohanin ni Mayweather ang kanyang mga sinabi lalo pa’t pinupulsuhan pa nito kung sino ang mag-aakyat sa kanya ng malaking pera.
Ayon sa light welterweigh champion na hindi naman magsisisi si Pacquiao kung sakaling siya ang ipalit kay Mayweather.
“I have a lot of respect for Manny Pacquiao. But once you’re in the ring, you’re in there to take care of business and I believe that I have what it takes to beat him,” dagdag pa ni Vargas.
Inaasahan sa Enero magkakaroon ng linaw kung sino ang puwedeng makaharap ni Pacquiao sa unang laban sa bagong taon. (AT)
- Latest