Sa 2015 Singapore Sea Games 12 golds kaya sa athletics - Gomez
MANILA, Philippines – Mataas ang paniniwala ni PSC commissioner Jolly Gomez na kikinang ang athletics team sa gaganaping 2015 SEA Games sa Singapore.
Dahil makikita agad ang kakayahan ng isang tracksters kung kayang manalo dahil measureable sports ang athletics, ibinulalas ni Gomez ang paniniwalang mahihigitan ng ipanlalabang delegasyon ang nakuhang anim na ginto, apat na pilak at tatlong bronze medals sa 2013 Myanmar Games.
Binanggit niya ang pagbalik sa koponan ng anim na gold medalists sa nakaraang edisyon na sina Fil-Am Eric Cray (400m hurdles), Archand Bagsit (400m run), Jesson Ramil Cid (decathlon), Henry Dagmil (long jump), Christopher Ulboc (3000m steeplechase) at ang 4x400 men’s relay team.
Idinagdag pa ni Gomez na siyang commissioner-in-charge sa athletics, sina EJ Obiena at ang Fil-Am thrower na si Caleb Stuart na kaya pang manalo ng ginto sa Singapore.
“Our pole vaulter EJ Obiena is the highest performer in South East Asia (5.20m). I also have a Fil-Am hammer and shot put artist in Caleb Stuart whose past performance has shattered the SEA Games records in these two events. With these athletes we can be almost sure of nine gold medals,” pahayag pa ni Gomez.
Puwede pang madagdagan ang asam na gintong medalya dahil babalik sa koponan si dating SEA Games long jump queen Marestella Torres at ang na-injured na middle distance runner na si Mervin Guarte bukod kay Fil-Am Tyler Ruiz sa larangan ng high jump.
“We could go as high as 12 gold medals. Twelve gold medals out of 45 events, that’s very good. That is my forecast,” dagdag ni Gomez.
Para magkatotoo ang prediksyon ng PSC official ay nasa plano ng Komisyon na ipadala ang mga atletang ito sa San Diego, California sa USA para magsanay mula Enero hanggang Mayo.
Kung matuloy ito ay hindi sila makakasali sa National Open ng PATAFA na nakakalendaryo sa Mayo sa Laguna Sports Complex.
Pero maraming kompetisyon ang ginagawa sa San Diego kaya’t tiyak na huhusay ang mga ito.
Krusyal ang ipakikita ng athletics delegation sa Singapore para maisakatuparan ang target na makabangon mula sa ikapitong pagtatapos sa Myanmar bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals. (AT)
- Latest