PhilCycling tututukan ang 2016 Olympics
MANILA, Philippines – Hangad ng PhilCycling na maipagpatuloy ang natamasang tagumpay sa BMX nitong 2014 sa pamamagitan ng pagtutuon sa mga major international competitions at ang pangunahing hangarin ay makakuha ng tiket para sa Rio de Janeiro 2016 Olympics.
Ipinag-utos nina PhilCycling President Abraham “Bambol” Tolentino at Chairman Bert Lina sa federation board at ang pinuno ng mga komisyon para sa iba’t ibang cycling disciplines na palakasin ang kanilang paghahanda para sa sixth edition ng Le Tour de Filipinas at sa Asian Championships for Road and Track (Thailand) sa Pebrero bukod pa sa qualification races ng BMX para sa Rio 2016 at Singapore SEA Games sa Hunyo.
Ang cycling lamang ang nakapag-uwi ng gold medal ng bansa sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea noong Setyembre mula kay Daniel Caluag.
Hangad ni Caluag na muling makalahok sa Olympics matapos sa London noong 2012 sa pagsali sa mga UCI-qualifying races sa 2015.
Kasama rin sa PhilCycling calendar ang second edition ng Asean MTB Cup na pamamahalaan ni Danao City Councilor Oscar “Boying” Rodriguez, ang mountain bike at technical commission head ng PhilCycling sa Cebu sa Pebrero 23 at 24.
Nananawagan ang PhilCycling sa lahat ng race organizer--road, track, MTB, BMX, cyclo-cross at cycling for all (advocacy)--na ipatala ang kanilang mga events sa federation ([email protected]).
Pinapaganda ng pederasyon ang kanilang calendar sa 2015.
- Latest