Gilas may 2-buwan pa para makapaghanda sa FIBA Asia C’ship
MANILA, Philippines - Nakatakda ang 2015 FIBA Asia Championship sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Wuhan, China, at kung sinuman ang hirangin bilang bagong head coach ng Gilas Pilipinas ay may dalawang buwan pa para ihanda ang national team sa ilalim ng ginawang pagbabago sa PBA Season 40 calendar.
Bago pa man ilabas ng FIBA Asia ang kanilang schedule ay nagsagawa na ng rebisyon ang PBA board of Governors, kasama na rito ang pagbabago sa best-of-seven semifinals sa best-of-five affair sa tatlong komperensya.
Pinaikli rin ng PBA board ang mga in-between conference breaks. Kaya naman magtatapos ang PBA Season 40 sa July 20 o 25 na mas maaga sa orihinal na target na Agosto 15.
Ihahayag ng PBA board ang nasabing rebisyon kasabay ng paghihirang ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ng bagong coach ng Gilas Pilipinas.
Base sa criteria na inilatag ng SBP nominating and screening committee, ang mga sinasabing ikinukunsidera ay sina Tab Baldwin at Jong Uichico.
Inaasahan ng mga SBP officials na ihahayag ni SBP president Manny V. Pangilinan ang pangalan ng bagong Gilas chieftain bago ang Christmas holidays.
Ang revised PBA calendar ay hindi rin makakaapekto sa inaasahang paglahok ng Gilas sa 2015 Williams Jones Cup na nakatakda sa Agosto 29 hanggang Setyembre 6 sa Taipei.
- Latest