Magnaye, Vivas preparado na para sa P1.5-M Bingo Bonanza
MANILA, Philippines - Naghahanda sina Swiss International champions Peter Magnaye at Paul Vivas sa matinding labanan sa men’s doubles ng P1.5 million Bingo Bonanza na magsisimula sa Huwebes sa Rizal Memorial Badminton Center.
Sina Magnaye at Vivas ang siyang inilagay bilang paborito sa event pero mapapalaban sila dahil ang ibang kalahok ay binubuo rin ng matitinding manlalaro na may kakayahang manalo ng titulo at ang unang gantimpalang P120,000.00.
Ilan sa mga kasali na puwedeng makasilat ay sina Ronel Estanislao-Joper Escueta, Aris delos Santos, Alvin Morada, Carlos Cayanan-Paul Pantig, Gerald Gonzales at Prince Monterubio at Vincent Manuel at Raphael Deato.
Bukas din ang tagisan sa kababaihan at si Jessie Francisco ay katambal si Eleanor Inlayo; si Kristelle Salatan ay makikisanib-puwersa kay Aires Montilla; si Alyssa Leonardo ay kapareha si Thea Pomar at sina Joella De Vera at Patricia Barredo ang magkasama.
Nangunguna naman sa mixed doubles sina Vivas at Inlayo.
Si Mark Alcala naman ang itinuturo para maging paborito sa men’s singles, habang ang mga junior players na sina Sarah Joy Barredo at Airah Mae Nicole Albo ang mangunguna sa women’s division.
Samantala, ang team managers, coaches at players meeting ay gagawin ngayon sa Rizal Memorial Badminton Center.
Ang torneo ay suportado ng Bingo Bonanza at may basbas ng Philippine Badminton Association sa pangunguna ng pangulong si Vice President Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez.
Ang palaro ay inorganisa ng EventKing Corp. at ang iba pang detalye ay puwedeng malaman sa website na www.bingob.com/nationalopentournament o di kaya ay mag-emale sa EKC gamit ang [email protected].
- Latest