UST giba sa Ateneo
MANILA, Philippines – Humataw ng 19 kills at tatlong aces si Alyssa Valdez para dominahin ang unang pagkikita nila ng mahusay na rookie ng UST Tigresses na si Ennajie Laure para sa 25-21, 25-13, 25-19, straight sets panalo at manatiling nangunguna sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Valdez na may 22 puntos, ang pinuntahan sa opensa at tumugon ito sa pagsungkit ng 19 puntos mula sa 34 total attempts upang bigyan ang Lady Eagles ng 42-25 bentahe sa attack department.
May 10 kills at dalawang aces pa si Ella De Jesus para itulak ng nagdedepensang kampeon ang nangungunang baraha sa 4-0.
Ang baguhang si Laure ay nalimitahan lamang sa anim na hits, tampok ang dalawang blocks, habang si Jessey De Leon ang nanguna sa Tigresses sa kanyang walong hits.
May tatlong blocks si Marivic Meneses para hawakan ng UST ang 7-2 kalamangan sa departamento ngunit isinuko pa ng Tigresses ang 7-0 iskor sa service aces para tanggapin ng koponan ang ikatlong sunod na pagkatalo matapos ang apat na laro.
Nakalamang ang UST sa 15-9 sa unang set pero nagtulung-tulong sina Valdez, De Jesus at Amy Ahomiro para maagaw pa ang panalo.
Hindi na binitiwan ng Lady Eagles ang momentum nang dinomina pa ang sumunod na dalawang sets para sa panalo.
Bago ito ay agad na inalisan ng La Salle Lady Archers ng anumang kumpiyansa ang UP Lady Maroons sa inangking 25-16, 25-20, 25-21, panalo sa unang laro.
Ang pambatong si Ara Galang ay mayroong 16 kills at tatlong blocks tungo sa nangungunang 20 hits para ibigay sa Lady Archers ang ikaapat na sunod na panalo.
- Latest