Petron sinibak ang Mane ‘N Tail
MANILA, Philippines – Hindi nagpabaya ang Petron Lady Blaze Spikers sa hamong hatid ng Mane ‘N Tail Lady Stallions para kunin ang 25-16, 22-25, 25-19, 25-23, panalo sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Muntinlupa Sports Complex.
Gumawa si Alaina Bergsma ng 30 puntos na sinangkapan ng 26 kills, apat na blocks at apat na aces para umangat pa ang koponan sa 8-1 karta.
Ang pagkatalo ng Mane ‘N Tail ay ang kanilang ikapitong laban sa tatlong panalo para mamaalam na sa kompetisyong inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air 21 My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners. Bunga nito, ang Cignal HD Spikers na may 4-5 karta ay pasok na sa semifinals anuman ang mangyari sa kanilang huling laro laban sa Foton Tornadoes sa Miyerkules.
May 30 puntos din si Kristy Jaeckel, kasama ang 25 attack points, pero hindi niya kinayang ipanalo ang Lady Stallions para samahan ang Foton na magbabakasyon na sa anim na koponang liga sa kababaihan.
Huling laro ng Petron ay kontra sa Generika Life Savers sa Miyerkules at nais pa ni coach George Pascua na makuha ang panalo para magkaroon ng momentum papasok sa Final Four.
“Masaya ako dahil bumalik na ang intensity ng team. Pero hindi puwedeng magpabaya dahil kailangan namin ng winning momentum papasok sa Final Four,” wika ni Pascua.
Bilang number one team, makakatapat ng Petron ang number four team na madedetermina matapos ang aksyon sa double round elimination na gagawin sa Biñan, Laguna sa Miyerkules.
- Latest