P7.9M cash incentives ibinigay ng PAGCOR sa mga national athletes at coaches
MANILA, Philippines – Bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa Philippine sports ay nagbigay ang Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) ng kabuuang P7.9 milyon na cash incentives para sa mga national athletes at coaches na nanalo sa mga sinalihang major international competitions ngayong taon.
Ang P2.5 milyon ay napunta sa 16-anyos na archer na si Luis Gabriel Moreno na nag-uwi ng gintong medalya mula sa 22nd Youth Olympics Games sa Naniing, China noong Agosto.
Ipinamigay naman ng PAGCOR ang P5.4 milyon sa 15 national athletes at coaches na kumuha ng gold, silver at bronze medals sa nakaraang 17th Asian Games sa Incheon, Korea noong Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sinabi ni PAGCOR president at COO Jorge Sarmiento na ang naturang cash incentives ay nangangahulugan ng pagbibigay nila ng motibasyon sa mga atleta sa kanilang pagkatawan sa bansa sa mga susunod na international tournaments.
“Rewarding our national athletes after they emerged triumphant in any international event is not only recognizing them for what they have achieved but a demonstration of PAGCOR’s sincere appreciation for the efforts they have exerted to carry the nation proudly on their shoulders,” sabi ni Sarmiento.
Ang pagbibigay ng PAGCOR ng insentibo ay alinsunod sa Republic Act 9064 o mas kilala bilang Sports Benefits and Incentives Act of 2001.
Mula noong Hulyo ng 2010 hanggang Setyembre ng 2014 ay nakapagbigay ang PAGCOR ng halos P50 milyong cash incentives.
Pinuri ni Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia ang pagpapahalaga ng PAGCOR sa Philippine sports.
“Our sports programs are up and running and out athletes are now more inspired to perform beyond their capacity as they know that their sacrifices are fully recognized and aptly rewarded by the government,” wika ni Garcia.
- Latest