Mayban Petron pupuwesto na sa semis
MANILA, Philippines - Iuusad ng Petron Lady Blaze Spikers ang isang paa tungo sa semifinals ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics sakaling manaig uli sa Cignal HD Lady Spikers ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magsisimula ang tagisan at ang Petron ay magtatangka ng kanilang ikaanim na sunod na panalo na maglalapit sa isa pang panalo para tumatag ang paghahabol ng titulo sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Patatatagin pa ng Generika Life Savers ang kapit sa mahalagang ikaapat na puwesto sa pakikipagtagisan sa inspiradong Foton Tornadoes sa ikalawang laro dakong alas-4 habang pagtatangkaan ng Cignal ang sweep sa first round sa men’s division kontra sa PLDT-Air Force dakong alas-6 ng gabi.
Tinalo ng Petron ang Cignal sa straight sets sa unang pagkikita at hindi malayong makadalawa sila dahil sa husay ng mga imports na sina Alaina Bergsma at Erica Adachi bukod pa kina Dindin Santiago at Carmina Aganon na hindi nakasama sa huling laro.
May 3-2 karta ang Cignal at dapat na maitaas ang morale ng koponan matapos lumasap ng di-inaasahang straight sets pagkatalo sa kamay ng Generika sa huling asignatura para makatabla sa ikalawang puwesto ang pahingang RC Cola-Air Force Raiders.
- Latest