Cignal pahihigpitin ang kapit sa No. 2
MANILA, Philippines – Pagsisikapan ngayon ng Cignal HD Lady Spikers ang okupahan ang ikalawang puwesto sa pagbangga sa Generika Life Savers sa pagpapatuloy ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 3-1 karta ang Cignal at ang makukuhang panalo sa Generika sa alas-2 ng hapon na tagisan ang magtutulak sa una para makalayo pa sa RC Cola-Air Force Raiders (3-2).
Ang larong ito ang kukumpleto rin sa unang round ng elimination sa women’s division sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado pa ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Galing ang HD Lady Spikers mula sa straight sets panalo sa Foton matapos makitang naputol ang two-game winning streak ng Petron Lady Blaze Spikers sa larong umabot sa tatlong sets lamang.
Sa kabilang banda, ang Generika ay galing sa talo sa kamay ng Mane ‘N Tail Lady Stallions na sasalang din sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon kontra sa walang panalong Foton Tornadoes sa pagsisimula ng second round.
Aasa uli ang Cignal sa galing ng mga imports na sina Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman ngunit nananalangin si coach Sammy Acaylar na naroroon din ang suporta ng mga locals tulad nina Aby Praca at dating NCAA MVP Honey Royse Tubino.
Ulitin ang five-sets panalo laban sa Foton ang balak ng Mane ‘N Tail para tumibay pa ang paghahabol ng puwesto sa semifinals.
May 2-3 ang Lady Stallions at ang makukuhang tagumpay ay magpapatatag sa pagkakakapit sa mahalagang ikaapat na puwesto sa anim na koponang liga.
Ang Tornadoes ay hindi pa nananalo matapos ang limang laro pero ang katotohanang pinahirapan nila ang Lady Stallions ay magandang senyales na kaya nilang manalo sa ikalawang pagkikita.
Paglalabanan ng Cavite at Bench-Systema ang ikatlong puwesto sa kalalakihan sa huling laro dakong alas-6.
May 1-2 baraha ang Cavite habang 0-1 ang karta ng Bench-Systema. (AT)
- Latest