14 teams handa nang pumalo sa Chairman’s Cup
MANILA, Philippines – Handang-handa na ang lahat para sa ikalawang edisyon ng PSC Chairman’s Baseball Classic na magbubukas sa darating na Sabado sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Ang kompetisyong ito na gagawin tuwing Sabado at Linggo lamang at matatapos sa Disyembre 7 ay inorganisa ni PSC chairman Ricardo Garcia para tulungan na rin ang mga UAAP teams sa kanilang preparasyon sa sasalihang liga bukod sa pagbibigay ng pagkakataon sa ibang baseball players na maipakita ang talento.
Umabot sa 14 teams ang magsusukatan ng galing at mangunguna rito ang Philab Ballbusters na siyang nagdedepensang kampeon. Dinomina rin ng koponan ang pinaglabanang Commissioner’s Cup at tiyak na hindi papayag ang koponan na basta-basta na mawawala ang kanilang titulo.
Ang iba pang collegiate teams na kasali ay ang UAAP champion Ateneo Blue Eagles, National University, UST, UP, Adamson, Rizal Technological University, Bulacan State University at Bulacan Agricultural State College.
Nagpatala rin ang Philippine Air Force, Throwback at Unicorns habang ang Ateneo Blue Eaglets ang natatanging junior team na kalahok sa torneo.
Para pasarapin ang tagisan, naglaan si Garcia ng P50,000.00 para sa mananalong koponan habang ang papangalawa ay may pakonsuwelong P25,000.00 premyo.
Double elimination ang format ng kompetisyon at ang elimination round ay paglalabanan sa 7 innings at ang koponan na lamang ng 10 runs matapos ang limang innings ay idedeklarang panalo na.
Sa 9-innings at walang mercy rule pagsapit ng semifinals at finals.
Ang mangunguna sa winner’s bracket ay may twice-to-beat advantage sa koponang lalaban sa loser’s bracket sa championship round.
- Latest