Bernardo, Saraza pasok sa semis ng PCA Open netfest
MANILA, Philippines – Nagmartsa sa semifinal round ang mga seeded players na sina Denise Bernardo at Chloe Mae Saraza matapos magtala ng panalo sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila.
Kumuha ng walkover win ang third seed na si Bernardo laban kay Shyryn Salazar sa first round kasunod ang 6-1, 6-0 dominasyon kay Julia Ignacio sa quarterfinals sa 12-under category.
Umabante rin sa semifinals ang No. 1 na si Saraza nang hindi sumipot si Terry Arejola sa quarterfinals sa 16-under class.
Maghaharap naman sa quarterfinals sina Angela Cabaral at Bettinna Bautista at sina Alexis Bangayan at Toni Rose Raymundo.
Sa iba pang laro, pumasok sa quarterfinals sina Gaby Zoleta, Justine Red Ballado, at Justine Hannah Maneja matapos magposte ng magkakahiwalay na panalo.
Pinadapa ni Zoleta si Ma. Patricia Lim, 6-1, 6-2, habang nanaig si Ballado kay Bettina Catoto, 6-0, 6-1 at tinalo ni Maneja si Izzie Poblador via default.
Makakaharap ni Zoleta ang magwawagi sa pagitan nina Lourdes Pe at Kryshana Brazal at lalabanan ni Ballado ang aabante sa laban nina Devie Pearl Patoc at No. 2 Alexandra Eala.
Sasagupain ni Maneja ang mananalo kina top seed Miles Vitaliano at Kiana de Asis sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Sa boys’ 18-under, umabante sa quarterfinals sina sixth seed Joshua Cano at seventh pick Argil Lance Canizares.
Pinatumba ni Cano si John Karl Bayot, 6-0, 6-0, habang may walkover win si Canizares kay Lorelle Dave Tamano sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI at GMA 7.
- Latest