Hapee nagpalakas pa, hinugot si Rosario
MANILA, Philippines - Hindi kukulangin ng malalaking manlalaro ang Hapee Toothpaste na magbabalik sa commercial league sa pagsali sa PBA D-League Aspirants’ Cup.
Nasa koponan na sina 6’9 Arnold Van Opstal at 6’8 Ola Adeogun, napapirma pa ng koponang pag-aari ni Dr. Cecilio Pedro si 6’7 Troy Rosario na naglaro sa UAAP champion team National University.
“We are glad he picked Hapee to be his team in the PBA D-League. His championship experience will rub on his Hapee teammates,” wika ni team manager Bernard Yang.
Ang pagkakaroon ng matibay na sentro ang susuporta sa kanilang mga shooters tulad nina UAAP MVP Bobby Ray Parks Jr. at NCAA MVP Garvo Lanete.
Nasa koponan din sina Baser Amer, Arthur dela Cruz na nakasama ni Adeogun na ibinigay sa San Beda ang ikalimang sunod na kampeonato sa NCAA, bukod pa kay NCAA MVP Earl Scottie Thompson.
Dahil sa star-studded ang line-up ng koponang hahawakan ni coach Ronnie Magsanoc kung kaya’t ang Hapee ang siyang itinuturing bilang team to beat sa 12 koponang liga na magbubukas sa Oktubre 27 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa Nobyembre 6 pa magsisimula ang kampanya ng Hapee kontra sa Racal Motors at ang ilang araw na bakasyon ay kanilang gagamitin para mabuo ang team work na mahalaga para makamit ang pangarap na titulo sa liga. (AT)
- Latest