Heavy Bombers, Blazers maghahabol sa playoff sa No. 4
MANILA, Philippines – Pasisikipin ng host Jose Rizal University at ng College of St. Benilde ang paghahabol ng upuan sa Final Four sa pagharap sa magkahiwalay na karibal ngayon sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Playoff ang nakataya sa Heavy Bombers kung manaig sila sa San Sebastian Stags na magsisimula matapos ang unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon sa hanay ng Blazers at Mapua Cardinals.
Nasa ikatlong puwesto ang JRU sa 11-6, habang nakasunod ang Blazers sa 10-6 at puwedeng nilang pantayan ang Perpetual Help sa 12-6 marka kung mananalo sa huling mga laban.
Kung mangyayari ito ay magkakaroon ng double-playoff at ang may pinakamataas na quotient ang papasok na sa Final Four at ang dalawang maiiwan ay sasalang sa knockout game.
Ang magwawagi ang kalaro ng pahingang koponan para madetermina kung sino ang papangatlo at papang-apat.
Natalo ang koponan ni coach Vergel Meneses sa Stags sa unang pagtutuos noong Hulyo 2, 81-88, kaya’t tiyak na pinaghandaan nila ito nang husto.
Galing din ang Heavy Bombers sa panalo sa San Beda Red Lions at Mapua, ang huli ay sa forfeiture, para magkaroon ng momentum sa ‘must-win’ game na ito.
Kailangang manalo ang host dahil puwede pa silang malaglag sa kompetisyon kung mabigo sila sa Baste at maipanalo ng Blazers ang tagisan laban sa Cardinals at Letran Knights sa Miyerkules.
Sina Mark Romero, Jonathan Grey at Paolo Taha ang mga kakamadang muli para sa tropa ni coach Gabby Velasco upang makabawi rin sila sa 62-65 pagyuko sa Perpetual Help noong Oktubre 1.
Puno ng determinasyon ang Cardinals na habol ang disenteng pagtatapos sa kampanyang kinakitaan ng masamang panimula at ang pagkakaroon ng dalawang default na pagkatalo kontra sa Letran at Jose Rizal dahil hindi nakabuo ng limang manlalaro.
Matatandaan na pitong manlalaro ang sinuspindi ng liga matapos makilahok sa free-for-all laban sa EAC Generals noong Setyembre 22.
- Latest