Caluag tumanggap ng P1.6-M para sa kanyang Asiad gold medal
MANILA, Philippines - Hindi magiging hadlang kundi mas lalong magiging inspirado si Fil-Am Daniel Caluag na kumatawan sa Pilipinas ngayon may anak na siyang babae na si Sydney Isabella.
Sa pagharap sa mga mamamahayag kahapon sa PSC Dining Hall ay ginawaran siya ng insentibo matapos ibigay ang kauna-unahang gintong medalya sa Team Philippines sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni Caluag na hindi na bago sa kanya ang pagsabay-sabayin ang ilang mga gawain at wala siyang nakikitang problema lalo na kung ang madaragdag sa kanya bukod sa pagiging isang BMX rider at isang oncology nurse (cancer patient nurse) ang pag-aalaga sa kanyang anak at asawang si Stephanie.
“It’s part of fatherhood and I’m looking forward to it. I’m always doing this (race) for the country and with my little girl, I want the best for myself which will also be the best for her (Isabella),” wika ng 27-anyos at London Olympian.
Sina Commissioner Salvador Andrada at Jolly Gomez ang kumatawan sa PSC at iniabot ang tseke na nagkakahalaga ng P1 milyon base sa Incentives Act para sa atletang nanalo ng gintong medalya sa Asian Games.
Bukod ito sa P500,000.00 na gantimpala galing sa MVP Sports Foundation ni Manny V. Pangilinan na ipinabatid ni PhilCycling head at Tagaytay City Representative Abraham “Bambol” Tolentino at P100,000.00 mula sa LBC Cycling ni team manager Mo Chulani.
Wala pang plano si Caluag sa P1.6 milyong insentibo na nakamit dahil natatabunan pa ito ng panalong nakuha sa Incheon at pananabik na makasama ang mag-ina.
Nakasama sa seremonya ni Caluag ang kanyang coach na si Greg Romero at kapatid na si Christopher at matapos ang kaganapan ay tumulak ang grupo sa Malacañang para sa courtesy call kay Pangulong Benigno Aquino III.
Kinagabihan ay bumalik na si Caluag sa US.
- Latest