Tinalo nina Immonen at Makkonen sa quarterfinals Orcollo, Corteza nasibak
MANILA, Philippines – Nabitawan nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ng Pilipinas ang dalawang racks na kalamangan na naging dahilan ng kanilang pagkatalo.
Isinuko nina Orcollo at Corteza ang 7-9 pagkatalo kontra kina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland sa quarterfinal round ng 2014 World Cup of Pool sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Dalawang beses na nagbukas ng two-rack lead sina Orcollo at Corteza sa 4-2 at 7-5, pero sina Immonen at Makkonen ang nakitaan ng malakas na pagtatapos para wakasan ang hangaring matagumpay na pagdepensa sa suot na titulo ng mga Filipino pool players.
“It was a nail-biter and we were hanging in there by the skin of our teeth. We somehow got ourselves over the finish line in the end,” wika ni Immonen na katuwang si Makkonen sa paghahari sa torneo noong 2012 nang ito ay idinaos sa Finland.
Matapos maitabla sa 7-7 ay nagkaroon pa ng pagkakataon sina Orcollo at Corteza na mabawi ang kalamangan sa kanilang sargo.
Pero nagtago ang one-ball at kinailangan ni Orcollo na gumamit ng jump stick para patamaan ito ngunit tumama ang cue-ball sa 7-ball para ibigay ang ball-in-hand kina Immonen at Makkonen na inubos ang bola.
Nakitaan ng magandang break si Makkonen para sa run-out at puwesto sa semifinals.
Pakonsuwelo na lamang kina Orcollo at Corteza ang tig-$10,000.00 na gantimpala dahil sa pagtapak sa quarterfinals.
Naunang tinalo ng dalawang pambansang manlalaro ang Chile at France sa dikitang 7-5 iskor dahil kumapit sa kanila ang suwerte sa huli.
Sa mas mahalagang laban ay tinakasan sila ng ‘lady luck’ para mamahinga na.
- Latest