Banderang kapos
Akala ko panalo na.
Akala. Akala. Puro na lang akala.
Gaya ng nangyari sa mga huli nitong laban, tumiklop na naman ang Gilas laban sa South Korea kahapon sa kanilang laban sa 17th Asian Games sa Incheon.
Nag-init ang Gilas nu’ng first half sa pangunguna nina Jimmy Alapag at Jeff Chan.
Halos lahat ng ipinukol nilang three-point shots ay pumasok.
Lumamang pa sila ng 16 points sa third quarter at ang akala ng lahat ay tuluy-tuloy na ito.
Pero alam mo sa iyong isip na babalik at babalik ang mga Koreano.
Sa fourth quarter, ito nga ang nangyari, at sa kahulihan ay nanalo ang South Korea, 97-95.
Ikalawang sunod na talo na ng Gilas sa quarterfinals at kahit siguro talunin nila ang Kazakhstan mamaya ay wala na silang pag-asa pumasok sa semis.
Sa madaling sabi, uuwing luhaan ang ating basketball team.
Madami ang umasa na kaya nila ipanalo ang ginto sa Incheon Asiad.
Isa na ako rito.
Kaya madami rin ang broken-hearted sa pagkatalo nila.
Isa rin ako rito.
Ibinangko ni coach Chot Reyes si Marcus Douthit sa buong laro dahil hindi niya nagustuhan ang laro nito laban sa Qatar nu’ng Biyernes kung saan sila natalo.
Laban sa Iran ay lumamang din ang Gilas at natalo rin.
Madami rin tayong nilamangan sa 2014 FIBA World Cup sa Spain – mga batikang teams kagaya ng Croatia, Puerto Rico at Argentina.
Pero natalo rin.
Masarap maging fan ng Gilas dahil puro sila palaban. Ang masakit lang isipin ay bakit hindi nila maipanalo ang mga laro kung saan lumalamang naman sila.
Muntik dito. Muntik doon.
Banderang kapos.
- Latest