124 atleta ipapadala sa Ironman
MANILA, Philippines - Magpapadala ang Pilipinas ng 124 triathletes para sumali sa Ironman Langkawi sa Setyembre 27 sa Langkawi, Malaysia.
Ito na ang pinakamaraming bilang ng triathletes na lalahok sa isang Ironman sa labas ng bansa at patunay ito na marami na ang sumusubok sa mapanghamong endurance sport na katatampukan ng 3.8-km swim, 180-km bike at 42.2-km run.
“Ironman Langkawi is the third toughest Ironman race in the world and the participation of a huge Philippine contingent shows that a lot of local triathletes are looking at leveling up their performance,” wika ni triathlete at national Paratriathlon head coach Vince Garcia sa pulong pambalitaan kahapon sa Skippy’s Bar and Grill sa Bonifacio Global City.
Ang delegasyon na magmumula sa iba’t ibang triathlon clubs sa bansa ay suportado rin ng Sunrise Events, Inc. (SEI) na siyang franchise holder ng Ironman sa Pilipinas.
Ang dating pinakamalaking bilang ng delegasyon mula sa Pilipinas ay nasa 90 sa isinagawang Asia Pacific Championship sa Melbourne, Australia noong Marso.
Malaki ang interes sa kompetisyon dahil malapit lamang ang Malaysia sa Pilipinas at hindi mangangailangan ng malaking gastusin sa pamasahe.
Ang kompetisyon ay qualifying race para sa 2015 Ironman World Championship.
- Latest