Cagayan vs Army sa Shakey’s V-League finals
MANILA, Philippines - Hindi na nagpabaya pa ang nagdedepensang Cagayan Valley at Army na madiskaril pa ang pagtapak nila sa championship round nang manalo uli sa mga karibal sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagpakawala si Aiza Maizo ng 18 kills tungo sa 22 puntos habang sina Pau Soriano at Janine Marciano ay nagsanib sa 21 puntos at ang Lady Rising Suns ay hiniya ang pinalakas na PLDT Home Telpad Turbo Boosters, 25-20,12-25, 25-19, 26-24, tagumpay.
Pinaglaro sa unang pagkakataon ng PLDT ang 6’2 na si Dindin Santiago at Carmina Aganon at sila ay tumapos taglay ang 15 at 13 puntos at nagsanib pa sa 27 kills.
Pero handa ang Cagayan sa bagay na ito at ang pinagtuunan ay limitahan ang dating kamador ng PLDT tulad ni Sue Roces na may 11 puntos lamang.
“Pinaghandaan namin ang laro na puwede nilang ipakita. Ang talagang pinagtuunan namin ay depensahan ang kanilang mga spikers at nagawa namin ito,” wika ni Lady Rising Suns coach Nestor Pamilar na umabot pa sa championship round kahit naunang nalagay sa pang-apat na puwesto matapos ang quarterfinals.
Bumawi si Rachel Ann Daquis sa di magandang ipinakita sa pagbubukas ng Final Four nang pamunuan ang 25-11, 25-20, 25-22, straight sets panalo sa Air Force Air Spikers.
May 11 puntos si Daquis para suportahan ang 13 puntos ni Jovelyn Gonzaga. Sina Mary Jean Balse at Nerissa Bautista ay may 12 at 10 puntos para makita uling gumana ang kinatatakutang spikers ng Army at manatiling matibay ang hanap na ikalawang Open title sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Sa tindi ng nilaro ng Army ay walang manlalaro ang Air Force na nasa double diglts at kinatampukan ang 2-0 sweep sa best-of-three series sa pamamagitan ng 41-29 kalamangan sa attack points.
- Latest