Tamaraws may pakay sa Falcons
MANILA, Philippines - Hangad ng Tamaraws na makisosyo sa ikalawang puwesto, habang pipilitin ng Tigers at ng Red Warriors na makabangon sa kani-kanilang masaklap na kabiguan.
Lalabanan ng Far Eastern University ang Adamson University ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng University of Sto. Tomas at University of the East sa alas-2 sa elimination round ng 77th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Tamaraws sa 71-62 paggupo sa dating nangungunang National University Bulldogs noong Sabado kung saan umiskor sina Carl Cruz at Archie Inigo ng 16 at 14 points, ayon sa pagkakasunod.
Bago ito ay natalo muna ang FEU sa Ateneo De Manila University, 78-81, noong Agosto 3.
“That has always been the emphasis -- we should be unpredictable. If they focus on one or two players, other players should be able to step forward,” sabi ni coach Nash Racela.
Muling babandera para sa Tamaraws sina Mike Tolomia at Mac Belo, nalimitahan ng Bulldogs sa 10 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod.
Hangad naman ng Falcons ni rookie mentor Kenneth Duremdes ang kanilang kauna-unahang panalo sa torneo matapos maunahan ng University of the Philippines Fighting Maroons, 77-64, noong Sabado.
Sa unang laro, pipilitin ng UST na makabawi sa kanilang 70-83 kabiguan sa nagdedepensang De La Salle University noong Linggo sa pagsagupa sa UE.
Layunin naman ng Red Warriors, nagmula sa 91-93 overtime loss sa Blue Eagles, na makabangon mula sa apat na sunod na kamalasan matapos ang 2-0 panimula.
- Latest