Sadorra binitbit ang Team Phl sa panalo
MANILA, Philippines - Tinalo ni GM Julio Catalino Sadorra si GM Rodrigo Vasquez Schroeder sa 56 moves para ihatid ang Team Philippines sa 2.5-1.5 panalo laban sa Chile sa fifth round ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Miyerkules ng gabi.
Nakipaghati naman sa puntos sina GMs John Paul Gomez at Eugene Torre at IM Paul Bersamina kina GM Mauricio Flores Rios, IM Cristobal Henriquez Villagra at FIDE Master Pablo Salinas Herrera, ayon sa pagkakasunod, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo at iposte ang 7.0 match points.
Tumabla ang koponan sa pang-25 puwesto kasama ang 18 pang bansa.
Sa laro na papunta sa draw dahil sa equal position mula sa isang King’s Indian Attack, pinilit ni Sadorra na ipitin ang rook ni Schroeder sa kingside para makakuha ng bentahe.
Ang kanyang superb endgame technique ang nagpanalo sa 28-anyos na si Sadorra matapos ang 56 moves.
Ang sixth seed na United States ay may 7.0 points din matapos ang 2-2 draw sa Canada team.
Samantala, nalasap ng mga Pinay ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan matapos matalo kay women’s world champion Antoaneta Stefanova at sa 14th-seeded na Bulgarians, 0.5-3.5, na naglaglag sa kanila sa ika-61 puwesto.
- Latest





















