Archers, Tigers didiretso sa 3
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. La Salle vs Adamson
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Archers at ng Tigers ang kanilang pangatlong sunod na panalo, habang pilit namang babangon ang Falcons mula sa nakakahiyang 25-point loss.
Lalabanan ng nagdedepensang De La Salle University ang Adamson University ngayong alas-4 ng hapon matapos ang pagsagupa ng University of Sto. Tomas sa University of the Philippines sa alas-2 sa 77th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan ng NU ang liderato sa kanilang 4-1 record kasunod ang Ateneo (3-1), FEU (3-1), UST (2-1), La Salle (2-2), UE (2-2), Adamson (0-4) at UP (0-4).
Matapos simulan ang torneo sa 0-2 ay dalawang sunod na panalo ang inilista ng Archers mula sa 57-55 pagtakas sa Bulldogs at sa 60-68 paglusot sa Red Warriors.
Sa nasabing panalo laban sa UE ay humugot si rookie center Prince Rivero ng 8 points sa fourth quarter.
“We were lucky to pull this off after committing 36 turnovers,” sabi ni head coach Juno Sauler sa kanyang La Salle na muling babanderahan nina Jeron Teng, Jason Perkins, Norbert Torres, Almond Vosotros at Arnold Van Opstal.
Magmumula naman ang Falcons ni rookie mentor Kenneth Duremdes sa 25-62 pagyuko sa Bulldogs noong Huwebes para sa kanilang ikaapat na sunod na kamalasan.
“Our job is to motivate them. Not only the players are down, but also the whole Adamson community is down. We have to motivate our players,” wika ni Duremdes.
Sa unang laro, tatargetin ng Tigers ang kanilang pangatlong dikit na ratsada sa pagharap sa minamalas na Fighting Maroons.
- Latest