Orcollo kinapos sa CSI 10-Ball Championship
MANILA, Philippines - Kinapos si Dennis Orcollo sa CSI Invitatioinal 10-Ball Championship nang umabot lamang siya sa semifinals ng kompetisyong ginawa sa Las Vegas,Nevada.
Natalo si Orcollo kay Ko Pin-Yi ng Chinese Taipei, 9-5, para mamaalam sa torneong kinakitaan din ng pagsali nina Efren “Bata” Reyes, Francisco Bustamante at Warren Kiamco.
Masama ang panimula ni Orcollo nang naiwan siya ni Ko, 1-6. Nagawang makalapit ng Filipino cue-artist sa Taiwanese player sa dalawang racks, 4-6, pero lumamig uli ang kanyang paglalaro nang na-scratch sa 11th race.
Ito na ang break na hinintay ni Ko dahil naipanalo niya ang sumunod na dalawang racks tungo sa tagumpay.
Si Ko ang siyang lumabas na kampeon ng kompetisyon dahil tinalo niya ang nakababatang kapatid na si Ko Ping-Ching sa race-to-11 championship game , 11-9.
Ang pag-abot sa Final Four ni Orcollo ay nagkahalaga ng $2,500.00 premyo para paakyatin na ang kabuuang premyo na napanalunan sa $64,575.00.
Nasa ikalawa si Orcollo sa talaan ng palakihan ng premyong napanalunan na kasunod ni Shane Van Boening na may $98,770.00.
Ang 35-anyos na si Orcollo ay may pitong panalo na tampok ang Derby City Classic Master of the Table noong Enero.
Si Bustamante ay nalagay sa pakikisalo sa pang-siyam na puwesto habang nasa 13th puwesto sina Reyes at Kiamco.
May $1,000.00 premyo si Bustamante habang $500.00 ang gantimpala nina Reyes at Kiamco. (AT)
- Latest