So tumapos ng 2nd sa Edmonton Chessfest
MANILA, Philippines - Tinalo ni Filipino GM Wesley So si Canadian FIDE Master Dan Hassael gamit ang Gruenfeld Defense para malagay sa ikalawang puwesto sa pagtatapos ng 9th Edmonton International sa Edmonton, Alberta, Canada kahapon.
Nanalo si So matapos ang 24 sulungan para tapusin ang kompetisyon bitbit ang 7.5 puntos. Kinapos siya ng kalahating puntos sa nagkampeon na si Ukraine GM Vassily Ivanchuk sa walong puntos.
Tinalo ng dating World Challenger na si Ivanchuk si US GM Samuel Shankland sa 35 moves ng King’s Indian Attack.
Sa kabuuan ng siyam na rounds, si So ay nagtala ng anim na puntos at tatlong draw.
Ininda ng 20-anyos na GM ang pagkatabla sa eight round laban kay US GM Irina Krush na sinabayan ng pagkapanalo ni Ivanchuk kay Canadian IM Richard Wang.
Si Ivanchuk ay tumapos bitbit ang pitong panalo at dalawang draw. Ang laro niya kontra kay So at Krush ay nauwi sa draw.
Ang ipinakita ni So ay magandang pruweba sa kakayahan na tulungan ang national chess team sa gagawing kampanya sa World Chess Olympiad sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15.
Pero si So na isa sa tatlong seeded sa koponang ipinoporma ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), ay hindi pa naghahayag ng desisyon kung sasama ba o hindi dahil nais na niyang lumipat sa US federation.
- Latest