Nadal kampeon sa French Open
PARIS--Ang talunin si Rafael Nadal sa French Open ay maituturing bilang pinakamahirap na gawin sa mundo ng tennis.
Nailista ng No. 1 seeÂded na si Nadal ang ika-35 sunod na panalo sa nasabing kompetisyon nang pagbagsakin sa apat na sets si No. 2 Novak Djokovic, 3-6,7-5, 6-2, 6-4, sa Finals noong Linggo.
Ito na ang ikalimang sunod na French Open title at ika-siyam sa kabuuan ni Nadal na siyang mga bagong records.
May 66 panalo sa 67 laban si Nadal sa nasabing kompetisyon at nalasap niya ang natatanging kabiguan sa fourth round noong 2009 sa kamay ni Robin Soderling.
Tulad sa ginawa ni Nadal sa mga nakaraang laban sa red clay court, pinahirapan niya si Djokovic gamit ang mga palobo na may top spin sa bola gamit ang kaliwang forehand bukod sa bilis ng pagkilos para madomina ang laban.
Nakatulong pa sa panalo ni Nadal ang break na naitala niya kay Djokovic sa huling game ng bawat set. Tuluyang nakuha ni Nadal ang titulo mula sa double fault ng kalaban sa fourth set.
Ito ang ika-14th Grand Slam title ng 28-anyos Spaniard para makatabla si Pete Sampras na nasa ikalawa sa talaan ng may pinakamaraming titulo sa Grand Slam.
- Latest