PHL U18 wagi sa Malaysia, lalaro sa FIBA-Asia sa Doha
MANILA, Philippines - Magandang pagtutulungan mula sa starters at bench ang nagresulta sa 93-76 demolisyon sa Malaysia noong Martes ng gabi upang makamit ng Philippine mens U-18 basketball team ang upuan sa 23rd FIBA-Asia U 18 Championship sa Doha, Qatar sa Agosto.
Ang mga starters na sina Ranbill Tongco at Ferdinand Ravena III ay naghatid ng 12 at 10 puntos habang ang mga off-the-bench players na sina Jolly Go at Andres Paul Desiderio ay may 11 at 10 puntos para ibigay sa Pambansang koponan ang ikalawang sunod na panalo sa apat na koponang liga na SEABA U18 Championship sa Tawau, Sabah, Malaysia.
Kinuha ng nationals na hawak ni coach Jamike Jarin, ang unang panalo nang durugin ang Indonesia, 98-35, noong Lunes.
Tatangkain ng kopoÂnan ang 3-0 sweep sa pagharap sa Singapore sa huling laro kagabi.
Naging mabisang sandata ng koponan laban sa host country ang angking height advantage nang hawakan ang 58-18 bentahe sa inside points.
Si Joon Lock Wee ay mayroong 12 puntos para sa Malaysia na tinablahan ang Indonesia sa pangalawang puwesto sa 1-1 karta.
Ang dalawang bansa ang magtutuos para sa ikalawang upuan patungong Doha sa pangalawang laro kagabi.
Ito ang ika-siyam na edisyon ng SEABA U18 Championship at nahablot ng Pilipinas ang ikaapat na sunod na kampeonato mula 2008.
Ito rin ang ikapitong tiÂtulo ng Pilipinas sa pangkalahatan at ang Malaysia ang siyang hinirang na kampeon noong 2002 at 2006 dahil hindi sumali ang Pilipinas.
Ang FIBA-Asia U18 ay nakakalendaryo mula Agosto 19 hanggang 28 at lalahukan ng 16 bansa.
Pakay ng Pambansang koponan na mahiÂgitan ang pang-anim na puwestong pagtatapos noong 2012 sa Ulan Bator, Mongolia. (AT)
- Latest