25th Mitsubishi Lancer international Tennis Championships, Lim 8 iba pang Pinoy laglag na

MANILA, Philippines - Biglang nanakit ang kanang balikat ni Alberto Lim Jr. upang masayang ang malakas na panimula at katampukan ang pagbagsak ng siyam na lahok ng Pilipinas sa boys singles sa pagbubukas kahapon ng 25th Mitsubishi Lancer International Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Lumamang ang 14-anyos at natatanging Pinoy na dumiretso sa main draw dahil sa kanyang 175th ranking sa 3-0 sa unang set sa laro nila ni lucky loser Jack Wong ng Hong Kong nang biglang naramdaman ni Lim ang pagsakit ng balikat.

“Serve ko noong sumakit,” pahayag ni Lim na nagsanay sa LAT Tennis sa Florida, USA sa huling apat na buwan.

Mula rito ay bumagsak na ang laro ni Lim habang tumaas ang kumpiyansa ng Hong Kong netter tungo sa 6-3, 6-2, panalo.

Minalas din sina Vince Russel Salas at Marcen Angelo Gonzales nang nakalusot ang tila pa­nalo habang nasibak sa kum­bin­sidong pamamaraan sina Eric Olivarez Jr., Jerome Romualdez, Andrew Joshua Cano, Joachim Samson, Dave Sebastian Mosqueda at John Bryan Decasa.

Hawak na ni Salas, tumalo kay Wong sa qualifying round finals, ang 5-1 kalamangan sa tie-break kontra kay Joshua Liu ng Singapore.

Pero nagtala ng apat na errors si Salas, na bina­gabag ng pulikat sa kaliwang binti, upang maisuko ang 6-4, 1-6, 7-6 (6) pagkatalo.

Nakauna naman si Gonzales kay Lewis Ros­killy ng Great Britain pero umatake ang matinding cramps sa magkabilang binti ng Pinoy player upang umayaw sa laro. Ang final score ay 4-6, 4-3 retired para kay Roskilly.

Hindi naman nakasabay ang iba pang lahok ng host country at si Oliva­rez ay lumasap ng 6-4, 6-4,  pagkatalo kay Jack Van Slyke ng Canada; si Romualdez ay lumasap ng 6-2, 6-1, pagyuko kay Andrew Li ng Hong Kong; si Cano ay lumasap ng 6-2, 6-2, pagkatalo kay William Matheson ng New Zealand; si Samson ay tumanggap ng 6-3, 6-0, paglampaso kay Brian Tran ng Australia; si Mosqueda ay hiniya ni Sameer Kumar ng USA, 6-2, 6-0; at si Dehasa ay pinagpahinga ni Lee Kuan-yi ng Chinese Taipei, 6-1, 6-0. (AT)

 

Show comments