Pinoy judokas nakabawi, 2 ginto itinumba
NAY PYI TAW--Hindi lamang pang juniors kundi kahit sa seniors ay kayang magdomina ng 16-anyos na si Kiyomi Watanabe.
Ang Fil-Japanese ay nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa 27th SEA Games judo competition nang talunin si Thi Hoa Bui ng Vietnam sa finals ng women’s -63kg category.
Isa pang ginto ang binalibag ni Gilberto Ramirez sa men’s -73kg laban kay Banpot Lerthaisong ng Thailand para pawiin ang pagkatalo sa gold medal bouts nina Nancy Quillotes-Lucero at Helen Dawa.
Parehong mga bronze medalists sina Watanabe at Ramirez sa 2011 SEA Games sa Indonesia.
Sa dalawang ito, kay Watanabe nakatuon ang paningin dahil siya ang itinuturong papasibol na judoka ng Pilipinas dahil sa papataas na paglalaro nito sa naunang dalawang international competitions sa juniors.
Umani ng bronze sa Asian Youth Games sa Nanjing, China, si Watanabe ay sumungkit ng pilak sa Asian Youth Judo Championships sa Hainan, China mula Disyembre 11 hanggang 13 na nagbigay din sa kanya ng puwesto sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China sa 2014.
Tunay na malaki na ang iniunlad ni Watanabe dahil itinapon niya si Bui para sa isang puntos tungo sa gintong medalya.
Sa pagkakataon na ng dalawang ginto, ang pambansang judokas ay nahigitan na ang isang ginto noong 2011 na ibinigay ni Quillotes-Lucero.
Posible pang madagdagan ito ngayon dahil sasalang pa sina Ruth Dugaduga at Angelo Gumil
- Latest