No. 1 ang Red Lions
MANILA, Philippines - Inilabas ng San Beda ang matatalim na pangil para sagpangin ang Letran sa overtime, 76-72, at mabalik sa unang puwesto sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Hindi na sinayang nina Rome dela Rosa, Art Dela Cruz at Baser Amer ang mga pagkakataon na ibinigay ng Knights nang pagtulungan ang 6-0 endgame run tungo sa pagsungkit ng ika-14 panalo matapos ang 17 laro.
Si Dela Cruz ang bumasag sa ikalima at huling tabla na ibinigay ni Dela Rosa nang maipasok ang follow-up sa mintis ni Amer na siyang nagtiyak naman ng panalo sa pagsalpak ng dalawang free throws.
Nagsilbing puwersa ng Lions sa ilalim si 6’8 Ola Adeogun na tumapos taglay ang 26 puntos at 26 rebounds bukod pa sa dalawang blocks.
Ang kanyang supalpal kay Raymund Almazan ang sumira sa plano ng Knights na palawigin ang 72-70 bentahe na ibinigay ni Mark Cruz at sa halip ay nagresulta sa dalawang free throws ni dela Rosa.
Parehong lumamang ng malaki ang magkabilang koponan at ang Lions na nanalasa sa first half, ay kumabig ng 13-puntos kalamangan, 32-19, habang ang Knights ay nakalamang ng 10, 46-36, sa tres ni Kevin Racal sa pagbubukas ng huling yugto.
Pero nanlamig ang Knights habang si Roldan Sara ay naghatid ng pitong puntos para sa Lions para hinawakan pa ang 64-60 bentahe.
Napaabot naman ang laro sa overtime sa 3-point play ni Cruz at atake ni Almazan.
Nauna rito, gumawa naman ng personal record ang Lyceum ng kanilang talunin ang host St. Benilde, 66-54, sa unang laro.
Samantala, lumapit sa isang panalo ang San Beda Red Cubs para walisin ang elimination round sa juniors division sa 95-84 panalo sa Letran Squires.
- Latest