First time ni Luigi
Matapos na wakasan ang dominasyon ng San Mig Coffee at ni coach Tim Cone ay diniretso na ng Alaska Milk ang mga panalo at tuluyang pumasok sa best-of-five championship round ng 2013 PBA Commisisoner’s Cup.
Tinapos ng Aces ang nine-game winning streak sa kanila ng dati nilang coach na si Cone sa pamamagitan ng 86-67 panalo sa Game Two ng semifinals.
Kinuha nila ang Game Three sa overtime, 89-82 at pagkatapos ay napanalunan ang Game Four, 83-78.
Isang panalo lang talaga ang kinailangan ng mga bata ni coach Luigi Trillo upang ma-realize nila na kaya nila si Cone at ang San Mig Coffee.
“We got better as games went by,†ani Trillo na nasa kanyang kauna-unahang Finals appearance bilang head coach sa PBA.
Ito ang ikatlong conference ni Trillo bilang head coach ng Aces matapos na halinhan si Joel Banal.
Si Banal ang pumalit kay Cone nang iwan niya ang Alaska Milk noong nakaraang season. Tumagal lang ng dalawang conferences si Banal bago hinalinhan ni Trillo.
Sa kanyang unang conference bilang head coach ay na-eliminate kaagad ang Alaska Milk sa Governor’s Cup.
Pero binalasa niya ang kanyang koponan at nagÂresulta ito sa pagpasok nila sa semifinals ng nakaraang Philippine Cup kung saan nakatunggali nila ang Talk ‘N Text.
Natalo sila sa anim na laro pero naipakita ni Trillo na ready na nga siya para sa ‘big time.â€
Kasi ay may dalawang games sa seryeng iyon na puwede sanang maipanalo ng Aces kung napunta sa kanila ang breaks.
Actually, bunga ng pagpasok ng Alaska Milk sa semis ng Philippine Cup ay nakunsidera si Trillo upang hawakan ang PBA selection sa nakaraang All-Star Weekend na ginanap sa Digos, Davao del Sur.
Nang hindi umubra bilang coach ng Selection sina Yeng Guiao ng Rain or Shine at Cone bunga ng mga naunang commitment ay si Trillo ang nailuklok sa posisyon.
Magandang break sa kanya iyon.
At magandang pangyayari rin na muntik nang magwagi ang PBA Selection kontra sa National Team.
Dapat nga’y panalo sila subalit nakabalik ang Gilas Pilipinas sa 11 puntos na abante at naitabla ang score sa dulo ng laro. Hindi na itinuloy pa ang game dahil exhibition lang naman iyon.
Hindi nanalo. Hindi natalo. Okay na rin iyon para sa isang first-timer.
Heto pa ang isang first time para kay Trillo. First time niya sa Finals. At sinasabing kahit na sino pa ang makatagpo ng Alaska Milk sa championship round ay llamado ang Aces.
Kasi nga’y top seed ang Alaska Milk pagkatapos na magposte ng 11-3 karta sa elimination round.
Ang Barangay Ginebra San Miguel ay seventh seed. Ang Talk ‘N Text naman ay kapos ng tatlong key players dahil sa out-for-the rest of the conference sina Kelly Wiliams, Jared Dilinger at Jimy Alapag.
Natural na bunga ng pagiging llamado nila ay mas mabigat ngayon ang pressure sa balikat ni Trillo.
Pero ano ba naman iyon?
Hindi nga niya ininda ang bigat ng pressure sa laban kontra San Mig Coffee at dati niyang mentor na si Cone.
Ngayong nakalampas sina Trillo at ang Aces kina Cone at San Mig Coffee, lahat ay puwede nilang lampasan, hindi ba?
- Latest