Para damayan ang 3-anak na naaksidente: Harvey bumalik na sa Amerika
MANILA, Philippines - Mas mahalaga ang kalagayan ng kanyang mga anak kesa ang paglalaro.
Noong Linggo ay nagmadaling umuwi sa United States si Talk ‘N Text import Donnell Harvey matapos masangkot sa aksidente ang kanyang tatlong anak sa Atlanta, USA.
Sa biglaang pag-alis ni Harvey, lalabanan ng Tropang Texters ang Ginebra Gin Kings sa Linggo nang walang import.
Ngunit kumpiyansa ang Talk ‘N Text, ang three-time PBA Philippine Cup champions, na mahuhugot nila ang isa sa tatlong reinforcements na nasa kanilang listahan ngayong linggo bago labanan ang Ginebra.
Huling naglaro si Harvey noong Sabado kung saan siya umiskor ng 6 points sa 94-84 paggupo ng Tropang Texters laban sa Globalport Batang Pier sa Iloilo City.
Ang Gin Kings ang kasalukuyang pinakamainit na koponan matapos kunin ang kanilang ikaanim na sunod na panalo mula sa 91-90 paglusot sa Meralco Bolts noong Linggo.
Hindi pa rin naglalaro para sa Ginebra si 2012 PBA Most Valuable Player Mark Caguioa.
Tangan ng Gin Kings ang 7-5 record katabla ang Petron Blaze Boosters sa ilalim ng mga kapwa quarterfinalists na Alaska Aces (9-3) at Rain or Shine Elasto Painters (8-4) kasunod ang Tropang Texters (6-6), Bolts (6-6) nagdedepensang San Mig Coffee Mixers (6-6), Air21 Express (5-7), Barako Bull Energy Cola (4-8) at Batang Pier (2-10).
- Latest