Chinese Olympian malaki ang naitutulong sa pagsasanay ni Viloria
MANILA, Philippines - Malaking tulong ang naibibigay ni Chinese two-time Olympic Games gold medalist at three-time World Championships winner Zou Shiming sa ginagawang pagsasanay ni unified world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Sinabi ni Viloria na lalong nahahasa ang kanyang bilis sa pakikipagsabayan kay Shiming bilang sparring partner bukod pa kay Ricardo Rodriguez sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach.
Si Filipino assistant trainer Marvin Somodia ang siyang gumigiya sa kasalukuyan sa 31-anyos na si Viloria.
Nakatakdang itaya ni Viloria ang kanyang mga suot na World Boxing Organization at World Boxing Association flyweight titles kontra sa 22-anyos na si Mexican challenger Juan Francisco Estrada sa Abril 6 sa Venetian Resort Hotel sa Macau.
Matagumpay na naipagtanggol ni Viloria ang kanyang WBO belt laban kay Mexican Omar Niño Romero (31-5-2, 13 KOs) mula sa isang ninth-round TKO win noong Mayo 13, 2012.
Inagaw naman ni Viloria kay Mexican Hernan ‘Tyson’ Marquez (34-3-0, 25 KOs) ang hawak nitong WBA crown sa pamamagitan ng isang tenth-round TKO win noong Nobyembre 17, 2012 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Kasalukuyang tangan ni Viloria ang kanyang 32-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 knockouts, habang dala ni Estrada ang kanyang 22-2-0 (18 KOs) card.
- Latest