3 magkakaibang koponan nagkampeon sa PBA
MANILA, Philippines - Ang Talk ‘N Text ang naging kauna-unahang koponan na matagumpay na nakapagdepensa ng kanilang Philippine Cup, habang hinirang naman sina Mark Caguioa ng Barangay Ginebra at Paul Lee ng Rain or Shine bilang 2012 PBA Most Valuable Player at Rookie of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang naging mga tampok na istorya sa pagtatapos ng 37th season ng Philippine Basketball Association.
Ang Tropang Texters ni head coach Chot Reyes ang naging back-to-back champion ng All-Filipino matapos ang 27 taon matapos ang Great Taste na nagkampeon ng dalawang sunod sa nasabing torneo noong 1985.
Dinomina ng Talk ‘N Text ang dehadong Powerade, 4-1, sa kanilang best-of-seven championship series noong Enero 29.
Si Larry Fonacier ang nagbida para sa tagumpay ng PLDT franchise mula sa kanyang mga averages na 16.2 points, 6.0 rebounds at 3.2 assists at hinirang na PBA Press Corps na Finals Most Valuable Player.
Bago muling pagharian ang Philippine Cup, nabigo muna ang Tropang Texters na makamit ang pambihirang Grand Slam nang matalo sa Petron Blaze ni Ato Agustin sa Governors Cup Finals.
“Masakit ang pagkatalo sa Grand Slam. Ito pala ang kapalit, defending the All-Filipino that took 27 years in the making. This makes it a lot sweeter,” sabi ni Reyes, nasikwat ang kanyang pang walong PBA crown para pantayan si Jong Uichico sa ikaapat sa all-time list.
Ito ang pang limang All-Filipino title ni Reyes sa ilalim ng anim ni legendary Virgilio “Baby” Dalupan, who had six.
Matapos matalo sa Talk ‘N Text, nabili naman ni Mikee Romero ang prangkisa ng Powerade para ipasok ang kanyang Globalport Batang Pier.
Sa likod ni Tim Cone, nagkampeon ang B-Meg sa Commissioner’s Cup makaraang gibain ang Talk ‘N Text, 4-3, mula sa pamumuno nina Finals MVP James Yap at Best Import Denzel Bowles noong Mayo 6.
“I’m so proud of my team,” sabi ni Bowles sa Llamados. “I’m so glad I came to B-MEG planet. I’m so glad I won my first championship with this team.”
Naibulsa naman ng Rain or Shine ang kanilang kauna-unahang PBA crown nang maghari sa Governors Cup laban sa B-Meg.
Sa kabila ng pagkawala ni Lee sa Game 2 ng Finals dahil sa injury sa balikat, tinalo pa rin ng Elasto Painters ang Llamados sa kanilang best-of-seven title showdown, 4-3, tampok si import Jamelle Cornley noong Agosto.
“I was able to lead a team owned by a not-so-big company and composed of players who have no superstars,” wika ni mentor Yeng Guiao. “Araw-araw nakikita ko sila, alam kong malaki ang puso nila. Alam ko gusto nilang manalo.”
Bago natapos ang PBA season ay nakamit ni Caguioa ang MVP award at napanalunan ni Lee ang Rookie of the Year trophy.
Nabigo si Caguioa na na maigiya ang Gin Kings sa kahit isang PBA Finals ng 37th season ngunit hindi ito naging dahilan para hindi niya makuha ang Best Player of the Conference.
- Latest