2 panalo ni Viloria tumatak sa puso ng mga Pinoy
MANILA, Philippines - Maliban kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., hindi rin dapat makalimutan ang dalawang malaking tagumpay ni unified world flyweight titlist Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria sa 2012.
Tuluyan nang winakasan ni Viloria (32-3-0, 19 knockouts) ang kanilang labanan ni Omar Niño Romero (31-5-2, 13 KOs) matapos umiskor ng isang ninth-round TKO para sa kanyang ikalawang sunod na pagdedepensa sa World Boxing Organization flyweight crown noong Mayo 13 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang nasabing titulo ay nakamit ng 32-anyos na si Viloria mula sa kanyang unanimous decision win kontra kay Mexican Julio Cesar Miranda (37-8-1, 29 KOs) noong Hulyo 16, 2011 sa Honolulu, Hawaii.
Matapos ito ay matagumpay niyang naipagtanggol ang WBO belt laban kay Mexican challenger Giovani Segura (28-2-1, 24 KOs) via eight-round TKO noong Disyembre 11, 2011 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Hinirang naman si Viloria bilang unified world flyweight ruler nang angkinin ang hawak na World Boxing Association title ni Mexican Hernan ‘Tyson’ Marquez (34-3-0, 25 KOs) sa pamamagitan ng isang tenth-round TKO noong Nobyembre 17, 2012 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Dahil sa pagkolekta niya sa WBO at WBA belts, kinilala si Viloria bilang kauna-unahang flyweight na tinanghal na unified world champion sapul noong 1965.
Isang counter left hook ang isinukli ng Fil-American fighter sa pagsugod sa kanya ng Mexican sa tenth round.
Nagpilit makatayo ng nahilong si Marquez, ngunit nirapido naman siya ng mga suntok ni Viloria kasunod ang paghahagis ng tuwalya ni Mexican chief trainer Robert Garcia upang ihinto ng referee ang nasabing laban.
Si Garcia, ang kasalukuyang chief trainer ni Donaire, ay dating cornerman ni Viloria.
Kaagad na pinatumba ni Viloria si Marquez mula sa isang counter right hand sa first round at inulit ito sa fifth round sa pamamagitan ng kanyang one-two comibination.
“The body punches slowed down Marquez, especially in the early rounds,” sabi ni Viloria sa ginawa niyang pagbugbog sa bodega ni Marquez para mapabagal ang kilos nito. “I could hear the crunches from my body shots.”
Ito ang unang panalo ni Viloria sa ilalim ni Filipino trainer Marvin Somodio, isang local trainer mula sa Shape-Up Boxing Gym sa Baguio City na dinala sa United States ni trainer Freddie Roach.
Si Somodio, sumalo sa naiwang trabaho ni strength and conditioning coach Alex Ariza nang iwanan nito si Manny Pacquiao sa gitna ng paghahanda laban kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo, ang tumutulong ngayon kay Roach sa pamamahala sa Wild Card Gym.
(Russell Cadayona)
- Latest