Sandugo-San Sebastian umagaw ng eksena Ateneo multiple champion sa Shakey’s V-League
MANILA, Philippines - Nagtagumpay ang Ateneo Lady Eagles na maihanay ang sarili bilang multiple champion habang gumawa ng pangalan ang Sandugo-San Sebastian nang paghatian nila ang dalawang titulong pinaglabanan sa 9th season ng Shakey’s V-League.
Pinahigpit ang tagisan sa first conference sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza ng pagbabalik ng six-time champions UST na pinamunuan nina Maika Ortiz, Maru Banaticla, Judy Caballejo at 6’2 Thai import Utaiwan Kaensing.
Ngunit hindi nagpabaya ang Lady Eagles na sinandalan ang husay nina Alyssa Valdez, Fille Cainglet, Jem Ferrer at Thai import Lethiwat Kesinee para masundan ang titulong huling napanalunan noong 1st conference ng 2011 season.
Naipanalo ng Lady Eagles ang unang 10 laro na kinatampukan ng 2-0 sweep sa Perpetual Help sa best of three semifinals habang ang Lady Tigresses ay may 7-1 karta hanggang sa quarterfinals at kinalos tatlong mahigpitang laro ang isa ring multi-titled team na San Sebastian.
Pabor sa UST ang finals at agad nga silang nagpasiklab nang iuwi ang 16-25, 25-20, 25-22, 25-23, panalo sa Game One.
Pero sa halip na manlumo ay naging hamon sa Ateneo na patunayan na sila ang pinakamahusay na koponan sa liga.
Bumangon ang Lady Eagles sa game two sa 25-17, 22-25, 25-21, 28-26, panalo at sa deciding game three ay naipakita ang pagkagutom sa titulo sa klasikong 25-19, 25-14, 17-25, 20-25, 15-13 tagumpay.
Si Valdez ang nanguna sa dalawang mahahalagang panalo matapos gumawa ng 22 attacks, 1 block at 8 serves sa game two at 19 attacks, 1 block at 2 serves para hirangin din bilang Most Valuable Player.
Open division naman ang second conference at walang nakasabay sa lakas ng Sandugo-San Sebastian na pinagsama ang mahuhusay na Thai imports na sina Utaiwan at Jeng Bualee bukod pa sa matitikas na local players na sina Angela Benting, Nene Bautista, Suzanne Roces at Rhea Dimaculangan.
Sa tindi ng line-up ay isang beses lamang na natalo sa 14 laban ang Lady Stags at winalis nila ang Cagayan Suns-Perpetual Help sa Finals.
Naging makulay na taon sa nagdaang Shakey’s V-League si Roger Gorayeb na siyang tumayong coach ng dalawang nanalong koponan para sa ikatlong kampeonato sa kabuuan.
- Latest