Westbrook, Durant nagbida sa Thunder
ATLANTA -- Ipinakita ng mga superstars ng Oklahoma City Thunder ang kanilang balanced scoring para talunin ang Atlanta Hawks, 100-92, patungo sa kanilang pang 12 sunod na panalo.
Bumandera si Russell Westbrook para sa Thunder (21-4) sa first half, samantalang dinomina ni Kevin Durant ang Hawks sa second half.
Umiskor si Durant ng isang season-high 41 points, habang may 27 naman si Westbrook, ang 21 dito ay ginawa niya sa first half, bukod pa sa kanyang 11 assists.
Humugot si Durant ng 28 points sa second half, kasama dito ang 18 sa fourth quarter at humablot pa ng 13 rebounds.
Walang iba pang Oklahoma City player ang umiskor sa double figures.
Pinangunahan naman ni Jeff Teague ang Atlanta mula sa kanyang 19 points kasunod ang 17 ni Josh Smith na kumolekta din ng 12 rebounds.
Si Durant ang namuno sa Thunder nang makalapit ang Atlanta sa 69-73 sa third period mula sa isang 16-point deficit.
Sinupalpal ni Durant ang tira ni Smith at nagsalpak ng isang slam dunk para ilayong muli ang Thunder sa 85-75.
Sa huling 3 minuto, tumikada si Durant ng isang fallaway jumper kasunod ang isang spin move at kumonekta ng isang 3-pointer laban kay 6-foot-7 Kyle Korver.
- Latest