Lady Altas, Stags nakauna
MANILA, Philippines - Nagbigay ng mainit na pahayag ang nagdedepensang kampeon sa kababaihan na Perpetual Help sa mga kalaban na dadaan sila sa butas ng karayom kung nais nilang agawin ang hawak na titulo sa NCAA volleyball.
Pormal na nagbukas ang aksyon sa 88th NCAA indoor volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City at si Honey Royse Tubino ay mayroong 13 hits, kasama ang tatlong blocks, habang 10 kills tungo sa 12 puntos ang ginawa ni Sandra Delos Santos tungo sa madaling 25-3, 25-14, 25-4, panalo sa Mapua.
Tumagal lamang ang laban sa loob ng 41 minuto at napadali ang aksyon dahil hirap na hirap sa pagpuntos ang Lady Cardinals.
Tatlong opisyal na puntos lamang ang kinamada ng Mapua na nakuha nina Joyce Javier, Alissa Magallanes at Patricia Aquino habang ang nalalabing 18 puntos ay dahil sa unforced errors ng Perpetual.
Hindi naman nagpahuli ang multi-titled team na San Sebastian Lady Stags na naunang umukit ng 27-25, 25-19, 25-19, tagumpay sa San Beda para makasalo sa liderato kasama ang Lady Altas.
Si Gretchel Soltones ay mayroong 14 kills para pangunahan ang Lady Stags na balak na makabalik sa kampeonato.
Nauna rito, umani ng 25-11, 25-23, 25-19, tagumpay ang Lions sa Stags na kanilang pambawi matapos ang 25-15, 25-19, 25-23, panalo ng Staglets sa Red Cubs.
- Latest